Tuta (Tulang Nadiktahan)

hm, stricto dapat. inaaral ko pa kung papaano.

Tuesday, August 09, 2005

Kapalit

Pantigan dapat siya;

7 pantig; at tugmang isahan din – sana

Dumayo ng saglitan

Pinako ng sakitan

Natapos ang palitan

Presensya ng paglisan


Gagabayan ang lahat

Nagpapako ng tapat

Ang Salita’y ‘di sapat

Nararamdama’y salat


Kaluluwa’y konsepto

Patnubay, ‘di konkreto

Pananaw ‘di kumpleto

‘Di silay sa kumbento


Iyong puso’y ihanap

Matayag, alapaap

Lubusang magaganap

Ibaon ang hinagap


*Inspirado ako ng isinulat ko ito dahil sa mensahe ni Melvin noong ika-18 ng Hulyo 2005 sa Stillwaters Kalai. Nabago ang paningin ko sa Banal na Ispiritu nang sabihin niyang “bitawan na ang imahinsayon – ‘di na kailangang pilitin ang sarili para maniwala sa kung ano ang totoo.”

Astig talaga ang Diyos! Maraming salamat sa pagiging tagapagsalita Niya, minamahal na Melvz!

Thursday, August 04, 2005

Bulag

pumalya ako dito - pero sa mensahe, palagay ko nailathala ko naman ng matiwasay. 12 pantig, 4-6 na saknong na may paksang "Alamat ng Pag-big" - ang inspirasyon ay nagmula sa kantang "Origin of Love" ng Hedwig and the Angry Inch (isang pelikulang nakapagpasaya sakin kahit papaano).

Daing ng Anghel: mailigtas ang Mutya
na nasa pagitan – mabuti’t masama
Kadunungan ‘di pa niya nakukuha
Kalaliman ng idlip, natatamasa

Hinimay ng Bathala kanyang katawan
upang ang Anghel magkaroon ng laman
Tunay na pakay ng Anghel: kalayaan
Nagsawa’y nayamot sa Kalangitan

Ibig ng Anghel alaala’y mawala
Sa Diyos daw uwi niya kahit magsimula
Nalungkot sa pangitain si Bathala
Pinagbigyan kahit pinsala’y nakita

Ang Anghel ay tumungo sa kalawakan
ngunit gising ang dalaga nang nadatnan
Kamandag ng dilim, hinawaan
ng Kamatayan – Anghel ay naunahan

Hindi man lang nagulantang ang Bathala
Napaghandaang mabuti ang pinsala
Anghel naging tao; mundo’y dating Mutya
Pinagsalin ng Diyos, hahanap sa Kanya

Hindi nabawi ng Diyos ang Kanyang laman
mula sa taong mahal Niyang pinagbigyan
Mundo’y nalilito at nahihirapan
Iibig ba sa hindi nasisilayan?


*ayaw ko nang sumulat ng tula kapalit ng grado - papalya talaga ako.

Tuesday, July 26, 2005

Iskolar din ako ng Bayan

Dalisay ata;

12 pantigan; isahan talaga – ata

Simbuyo sa Bayan, ‘di maintindihan

Bayan, paano nga ba masusuklian?

Eskuwela o Bundok – pinagpipilian


May katuturan ba, o sinasapian?

Kahit walang armas, sila’y sumusugod

Tagagising sa sistemang natutulog

Ngunit, Malabo ang itinataguyod

sa mata ng Inang Bayabg inuuod


May karapatan bang maging aktibista

kahit ‘di naman sasama sa kanila?

Matatawag bang ang simbuyo’y dakila

basta hindi sa rally magpapahila?


Tunay nga, kami’y ‘di magkaunawaan

Aktibista, ako’y kinasusuklaman

‘di ko raw kayang ipagtanggol ang Bayan

Damdamin daw ay sampayan ng basahan


(Sugo ng Diyos sa tamad na nagdarasal

ang akitbista – anghel ng mag-aaral

Diskusyon sa klase’y ‘di nagtatagal

Kapalit ng paskil na isinupalpal)

Ang pagiging kalmado ang katapangan

Aktibista ako, hindi sa lansangan

at subuking hubugin ang kasaysayan

Kapatid, tayo na sa silid-aralan

*usapan namin ni Ate Tere ito. Mainit ang talakayan (mga dalawang oras), may mga maanghang din na mga salita (halos lahat ata), ilang kuwentong aktibista ang naisiwalat (makabayan at makasarili) at bahagyang aliw na rin ang aking nakuha. Rinerespeto namin ang mga aktibista, ‘di lang talaga naming makuha ang ibig sabihin ng gusto nila para sa Plipinas.

Tuesday, July 19, 2005

Labingapat na Pagbaha

Karaniwan – walang duda;

12 pantigan; tugmang isahan – dapat


Istorbo ang kamandag ng plumang itim

at birheng kalatagan ay sasakupin

Tigang ang lupang minimithi ang aliw

mula sa tintang itim, siya’y pipitpitin


‘Di naman dapat papatulan ng pluma,

ngunit nagpumilit ang tigang na lupa

Hiling ay matamnan siya ng mga letrang

bubuwag ng asiwa sa kanyang Wika


Naninibago ang lambak na dating salat,

tintang pataba’y sinipsip at linasap

Ang pagsibol ng mga supling,naningkad

Gayuma ng inulang tinta, tumalab


Sumikat ang araw, natuyo ang tinta

Katutubong Wika’y naunawaan na

Lulubog ang helios, muling mambabadya

Ang pagbaha ng tinta’y pansamantala


*unang-una ito sa lahat. Mga tatlong araw rin ang lumipas bago ko siya natapos. Malamang, pansamantala nga lang ang pagiging makata ko. Baka.