Tuta (Tulang Nadiktahan)

hm, stricto dapat. inaaral ko pa kung papaano.

Tuesday, August 09, 2005

Kapalit

Pantigan dapat siya;

7 pantig; at tugmang isahan din – sana

Dumayo ng saglitan

Pinako ng sakitan

Natapos ang palitan

Presensya ng paglisan


Gagabayan ang lahat

Nagpapako ng tapat

Ang Salita’y ‘di sapat

Nararamdama’y salat


Kaluluwa’y konsepto

Patnubay, ‘di konkreto

Pananaw ‘di kumpleto

‘Di silay sa kumbento


Iyong puso’y ihanap

Matayag, alapaap

Lubusang magaganap

Ibaon ang hinagap


*Inspirado ako ng isinulat ko ito dahil sa mensahe ni Melvin noong ika-18 ng Hulyo 2005 sa Stillwaters Kalai. Nabago ang paningin ko sa Banal na Ispiritu nang sabihin niyang “bitawan na ang imahinsayon – ‘di na kailangang pilitin ang sarili para maniwala sa kung ano ang totoo.”

Astig talaga ang Diyos! Maraming salamat sa pagiging tagapagsalita Niya, minamahal na Melvz!

Thursday, August 04, 2005

Bulag

pumalya ako dito - pero sa mensahe, palagay ko nailathala ko naman ng matiwasay. 12 pantig, 4-6 na saknong na may paksang "Alamat ng Pag-big" - ang inspirasyon ay nagmula sa kantang "Origin of Love" ng Hedwig and the Angry Inch (isang pelikulang nakapagpasaya sakin kahit papaano).

Daing ng Anghel: mailigtas ang Mutya
na nasa pagitan – mabuti’t masama
Kadunungan ‘di pa niya nakukuha
Kalaliman ng idlip, natatamasa

Hinimay ng Bathala kanyang katawan
upang ang Anghel magkaroon ng laman
Tunay na pakay ng Anghel: kalayaan
Nagsawa’y nayamot sa Kalangitan

Ibig ng Anghel alaala’y mawala
Sa Diyos daw uwi niya kahit magsimula
Nalungkot sa pangitain si Bathala
Pinagbigyan kahit pinsala’y nakita

Ang Anghel ay tumungo sa kalawakan
ngunit gising ang dalaga nang nadatnan
Kamandag ng dilim, hinawaan
ng Kamatayan – Anghel ay naunahan

Hindi man lang nagulantang ang Bathala
Napaghandaang mabuti ang pinsala
Anghel naging tao; mundo’y dating Mutya
Pinagsalin ng Diyos, hahanap sa Kanya

Hindi nabawi ng Diyos ang Kanyang laman
mula sa taong mahal Niyang pinagbigyan
Mundo’y nalilito at nahihirapan
Iibig ba sa hindi nasisilayan?


*ayaw ko nang sumulat ng tula kapalit ng grado - papalya talaga ako.